Monday, October 13, 2008

BABALA LABAN SA REPRODUCTIVE HEALTH BILL 5043

Nais po naming paalalahanan ang lahat sa panganib na idudulot ng ipinapanukalang Reproductive Health Bill 5043. Layunin daw ng panukala na mas maging ligtas ang kalusugan ng mga manganganak. Masyado raw tayong marami kaya di sapat ang pagkain at trabaho. Kulang daw ang pera ng gobyerno upang matustusan ang pangangailangan ng mga tao. Pero ang totoo, ang nais ay sugpuin ang ating populasyon, sa pamamaraan na sisira sa moralidad, sa pamilya at karapatan.

Pag naisa batas ang RHB 5043, pwersadong tuturuan ang ating mga anak/ apo mula Grade 5 hanggang 4th year high school kung paano makakapagtalik ng ligtas sa sakit at hindi mabubuntis o makabubuntis. Gagamitin ang pera ng gobyerno sa pagpapalaganap ng libreng condom, pills, IUD, vasectomy atbp. Alam po natin na hindi 100% effective ang mga naturang contraceptives at ang susunod na ipapanukala ay abortion naman – ganito ang landas na tinahak ng lahat ng bansang nag-umpisa sa panukalang gaya ng RHB 5043.

Pag naipasa ang bill na ito ay lalong magkaka ideya ang mga bata tungkol sa pagtatalik, kaya batang bata pa ay mawawala na ang kamusmusan. Nagkakaproblema na tayo ngayon. Lalo na pong lalala. Ang mga pribadong kumpanya naman ay pwersadong magbigay ng birth control measures sa kanilang mga empleyado.

Ang mas nakakatakot pa bukod sa paglaganap ng immoralidad ay pag nagpahayag ka ng kontra sa batas ay kulong o multa ka.

Mag-ingat po tayo, magmatyag at kumilos. Taon-taon ay may nagtutulak ng panukalang ito. Medyo matindi po ngayon at mukhang hindi sila titigil. Pero kung magkakaisa ang mga Katoliko, hindi po ito makakalusot. Sa ating pagkilos at pagkakaisa nakasalalay ang kinabukasan ng pamilyang Pilipino, na gusto nating panatilihing banal.

Pag-aralan po natin ang isyu at makilahok sa mga gawaing tumututol sa RHB 5043. Kaugnay po nito, ang Couples For Christ Foundation for Family and Life ay namimigay po ng mga leaflets sa harap ng simbahan. Nag-aanyaya po sila sa inyong lahat na lumagda sa isang petisyon laban sa masamang idudulot ng RHB 5043.

Higit sa lahat, ating ipagdasal ang mga namumuno ng ating gobyerno.

Maraming salamat po at nawa’y mapasa atin ang pagpapala ng Banal na Pamilya sa Nazareth. Nawa’y sa darating na Pasko, at sa lahat ng Pasko, ay manatiling ligtas sa mapanirang impluwensya ang pamilyang Pilipino.

Pagpalain po tayong lahat ng Diyos!

No comments: