Friday, June 19, 2009

PANALANGIN SA ARAW NG MGA AMA

Ama naming Makapangyarihan, Maylikha ng langit at lupa.

Noong iyong ipinagkaloob sa amin ang Iyong Bugtong na Anak na si Hesukristo upang maging aming Manunubos, niloob mong ipagkatiwala Siya sa ilalim ng pangangalaga ni San Jose bilang kanyang ama dito sa lupa.

Hinihiling naming Inyo pong basbasan ang lahat ng mga ama at lolong natitipon sa pagdiriwang na ito ng Banal na Eukaristiya.

Pagkalooban mo po sila ng lakas buhat sa iyong Banal na Espiritu; upang kanilang mahalin nang may katapatan at pagmamahal ang kanilang asawa;

Upang kanilang maitaguyod ng may pagtitiyaga ang kanilang mga pamilya;at upang sila ay maging huwaran ng mabuting pamumuhay bilang mga Kristiyano.

Amin ding inaala-la ang lahat ng mga amang naghahanap-buhay sa labas ng bansa upang kanilang matustusan

Ang mga pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Manatili nawa silang tapat sa Iyong mga kautusan, manatili nawa silang tapat sa kanilang mga sinumpaang pananagutan sa sakramento ng kasal;

At iadya mo po sila sa ano mang uri ng sakuna at karamdaman sa pangangatawan.
Ito’y aming hinihiling sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

No comments: