Wednesday, June 17, 2009

KAPISTAHAN NI SAN ANTONIO DE PADUA, ISANG MALAKING TAGUMPAY!

Isang maringal na pagdiriwang ang naganap noong nakaraang Kapistahan ni San Antonio De Padua sa Parokya. Maraming mga kaparian ang nakilahok sa mga Banal na Misa nang araw na iyon na pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Obispo Leo M. Drona ng Diyosesis ng San Pablo. Sa kanyang homiliya ay binigyan diin ng Mahal na Obispo ang naging buhay, pagpapakasakit at kabanalan ng Mahal na Patron San Antonio. Sa kanyang pagtatapos ay hinimok niya ang lahat na isabuhay ang pananampalataya sa pamamagitan ng gawa.


Ang araw na iyon ay tunay ngang espesyal at katangi-tangi nang dahil na rin sa ilang mga bagay tulad ng mga bagong kasuotan ng mga Kaparian na nakilahok at nakiisa sa pagdiriwang kung saan makikita ang imahe ni San Antonio De Padua at ng batang si Hesus, ang mga naggagandahang bulaklak na espesyal na inayos at ginawa para sa Altar at sa paligid nito at ang mga bagong awitin na inihanda ng mga Koro ng Parokya.


Ang lahat ng apat na Misa sa buong araw ay dinagsa din ng maraming tao na pagpapatunay lamang na magpahanggang sa ngayon ay buhay na buhay ang pamimintuho sa Mahal na Patron San Antonio De Padua. Ang napakalaking tagumpay ng Kapistahan ni San Antonio De Padua ay produkto ng pagsasama-sama at pagtutulungan ng ibat-ibang samahang pansimbahan sa pangunguna ng Kura Paroko, Reb. Padre Toochy Ubarco kaagapay ang buong pamunuan ng Barangay sa pangunguna ni Kapitan Eric Jimenez at kanyang konseho at higit sa lahat ang tulong at panalangin ng mga parokyano ni San Antonio De Padua.

No comments: