Tuesday, November 11, 2008

Isang Bukas na Liham para sa ating Kura Paroko: Rev. Fr. Buenaventura C. Ubarco

Noong isang taon, sa ganito ding petsa ay aming inalala sa kauna-unahang pagkakataon ang anibersaryo ng iyong pagiging pari sa pamamagitan ng isang panalangin kung saan aming hiniling na nawa ay iyong ibigay sa amin si Kristo at tanging si Kristo lamang sa inspirasyon ng mga pananalita ng Banal na si Mother Teresa ng Calcutta.

Sa ating pag-alala sa katangi-tanging araw na ito, ay bayaan mong ihalaw namin ang aming mensahe sa iyo sa inspirasyon ng paglalahad ng Santo Papa sa kanyang unang ensiklikal “Deus est Caritas” na nagtuturo sa atin sa pamamayani ng pag-ibig bilang pagkakakilanlan sa mga alagad ni Kristo.

Pag-ibig ang simula at hantungan ng lahat. Marahil ikaw po ay sasang-ayon sa aming pananaw na Pag-ibig ang buod ng iyong pagiging pari. Kung wala tayong pag-ibig ay mawawalan ng ugat at kinabukasan ang anumang ating ginagawa.

Ang mga pari ay tila mayroong paniniwala na buhay at masigla ang parokya kapag maraming programa at gawain. Kung maraming ginagawa sa simbahan at mahigpit ang iskedyul sa maghapon. Programa at proyekto, mga pulong at gawain ang sa wari natin ay tanda ng buhay na simbahan.

Kung walang pag-ibig sa programa at proyekto, kung walang pagmamahalan at bayanihan sa mga pulong, paano natin masasabing buhay ang simbahan. Ang buhay ng simbahan ay hindi sa sunud-sunod na programa kundi sa tanikala ng pag-ibig na bumibigkis sa atin sa Panginoon at sa isa’t isa.

Maraming Salamat Po Father at kami ay ginapos mo sa tanikalang ito!

Sa iyong mga homiliya sa halos dalawang (2) taon ay walang pag-iimbot mong ipinadama ang pag-ibig ng pagiging isa. Hindi lamang pagkakaisa kundi pag-ibig na nagbubuklod sa diwa at puso. Katulad ng paglalarawan ng Diyos ng kanyang pagmamahal sa tao sa pamamagitan ng pag-ibig ng mag-asawa—iisang puso at katawan, iisang isip at kaluluwa.

Naks Father ang lalim na ng aming mga kaisipan ngayon! Galing naman ang mga ito sa iyong Homiliya may patunay ka nang hindi ka namin tinutulugan!

Ang pag-ibig ay presensiya. Hindi tayo maaaring magmahal ng “absentia”. Kaya nga ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pakikipamayan sa atin. Hindi maaaring malayo tayo sa ating mahal.

Sa halos dalawang taon na ikaw’y nasa aming piling tunay na aming naramdaman na ikaw’y ang aming paring kababayan at aming paring kapitbahay lamang. Patunay dito ang pagsahog namin sa iyo paminsan-minsan sa aming pananghalian at salo-salo kung minsan.

Isa rin sa mga unang pangaral na aming nadinig mula sa iyo at aaminin namin na isa din ito sa mga nakasaling sa aming damdamin dahil totoo ang iyong mga tinuran!

“Sa ating libangan at kuwentuhan, tanungin natin ang sarili kung ang ating pinag-uusapan ay totoo, mabuti at makatutulong. Kung isa man sa tatlong katangian ay wala, higit na marangal ang katahimikan.” Sabagay hindi nga naman tayo mga artista o showbiz personalities.

Ang tunay na pag-ibig ay mapagbigay. Ang alagad na hindi marunong maghandog ay hindi yumayaman. Ang alagad na hindi naghahandog ay alagad na buhay subalit patay na. Ang tunay na kahulugan ng buhay ay nasa pagbibigay. Kapag ikaw ay nanawagan overwhelming ang suporta mula sa pinansyal, pagkain at hanggang sa mga toothbrush at toothpaste!

Si Jesukristo na araw-araw mong hinahawakan sa altar at inihahandog sa amin ay patuloy nawa naming masilayan at maramdaman sa pamamagitan ng iyong Banal na Bokasyon.

Father Toochy Mahal namin kayo at kung sa wari ninyo ay kulang pa ang aming pagmamahal sa inyo, sabihan ninyo at pagsisikapan pa naming ito ay dagdagan.

No comments: