Friday, May 6, 2011

PANALANGIN PARA SA ARAW NG MGA INA

Diyos na pinagmumulan ng Buhay
Diyos ng mga babaeng banal tulad nina Sara, Ruth, at Rebecca.
Diyos ni Elisabet na ina ni Juan Bautista

Diyos ng Mahal na Birheng Maria na ina ng iyong Anak na si Hesu-Kristo,
dinggin po ninyo ang aming panalangin, at pagkalooban ng pagbabasbas
ang lahat ng mga ina at lolang natitipon sa lugar na ito.

Basbasan mo po sila ng lakas na nagmumula sa iyong Banal na Espiritu
sapagkat sa pamamagitan nila natutunan ng mga anak at apo
kung paanong tumayo at lumakad,
kung paanong magsalita at maglaro,
at kung paanong makalapit sa Iyong banal na harapan
sa pamamagitan ng tapat na pananalangin.

Pagkalooban mo po sila ng biyayang makiisa sa Iyong Banal na Hapag
at matanggap ang Pagkaing nagbibigay buhay
sapagkat sila ang mga nagtaguyod at nagpakain sa amin
at sila din ang nagturo sa amin kung paanong itaguyod ang aming mga sarili
at ang aming mga pamilya.

Pagkalooban mo po sila ng kalusugan at kapayapaan,
ng galak at kaligayahan,
at ng pagkakataong kami’y kanilang maipagmalaki bilang mga anak.

Pagkalooban mo din po sila ng mga kaibigang mananatiling tapat
upang kanilang patuloy na madama ang Iyong pagkalinga’t pagmamahal.

Gayundin aming isinasama sa panalangin ang mga babaeng walang nakakaalaala
lalo na ang mga tahimik na itinataguyod ang kanilang pamilya,
naglilingkod ng may kababaang-loob, at nagtitiis ng hirap sa buhay para sa kapakanan ng kanilang asawa’t mga anak.

Kaya ang aming hiling, O Diyos ng kadalisayan,
na ika’y manahan sa aming lahat na naririto,
sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

No comments: