Diyos Amang makapangyariahan at mapagmahal,
Dumudulog kami sa ngalan ng Inyong Anak na aming Tagapagligtas, Kristong Hesus. Namimintuho kami para sa aming mga kapatid na labis na nagdurusa dahil sa matinding kalamidad na idinulot ng mga paglindol at tsunami sa bansang Hapon.
O, Panginoon, para sa kanila na binawian ng buhay at sa kanilang naghihinagpis sa pagkawala ng kanilang mga kaibiga’t kaanak, Iyong awa ang aming hiling.
O, Panginoon, para sa kanilang sugatan at naghihintay pa ng tulong, paghilom at pagkalinga ang aming naisin.
O Panginoon, para sa kanilang nagbibigay tulong at tumutugon sa pangangailangan ng lahat ng mga nasalanta pati na rin sila na ang tungkulin ay ang paghahanap sa mga nasawi, patnubay, lakas ng loob at higit pang materyal at espirituwal na biyaya ang aming dalangin.
O Amang mahabagin, alam namin na hindi Mo kami iiwanan at lilisanin. Kapiling ka namin magpakailan man, anumang pighati at trahedyang aming sapitin at harapin.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, naway ang kaganapang ito ay magpasidhi pa ng aming pagititiwala at pananampalataya sa Iyo. Naway ang masaklap na pangyayaring ito ay maging paanyaya na kami’y makibahagi sa Iyong naisin na kami ay patuloy na tumugon nang bukas loob at walang pag-aalinlangan sa lahat ng mga nagdurusa at nangangailangan. Nawa’y higit pa kaming maudyok na makapagmahal nang walang kapalit upang sa gayo’y mabanaagan namin sa mga mukha ng aming kapwa ang mukha ng Iyong Anak.
Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong Hesus na aming Tagapagligtas,
Amen
No comments:
Post a Comment