The Official Blogsite of San Antonio De Padua Parish-Binan,Laguna
Sunday, March 27, 2011
Friday, March 25, 2011
Panalangin sa Panahon ng Trahedyang Dulot ng Lindol at Tsunami sa Bansang Hapon*
Dumudulog kami sa ngalan ng Inyong Anak na aming Tagapagligtas, Kristong Hesus. Namimintuho kami para sa aming mga kapatid na labis na nagdurusa dahil sa matinding kalamidad na idinulot ng mga paglindol at tsunami sa bansang Hapon.
O, Panginoon, para sa kanila na binawian ng buhay at sa kanilang naghihinagpis sa pagkawala ng kanilang mga kaibiga’t kaanak, Iyong awa ang aming hiling.
O, Panginoon, para sa kanilang sugatan at naghihintay pa ng tulong, paghilom at pagkalinga ang aming naisin.
O Panginoon, para sa kanilang nagbibigay tulong at tumutugon sa pangangailangan ng lahat ng mga nasalanta pati na rin sila na ang tungkulin ay ang paghahanap sa mga nasawi, patnubay, lakas ng loob at higit pang materyal at espirituwal na biyaya ang aming dalangin.
O Amang mahabagin, alam namin na hindi Mo kami iiwanan at lilisanin. Kapiling ka namin magpakailan man, anumang pighati at trahedyang aming sapitin at harapin.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, naway ang kaganapang ito ay magpasidhi pa ng aming pagititiwala at pananampalataya sa Iyo. Naway ang masaklap na pangyayaring ito ay maging paanyaya na kami’y makibahagi sa Iyong naisin na kami ay patuloy na tumugon nang bukas loob at walang pag-aalinlangan sa lahat ng mga nagdurusa at nangangailangan. Nawa’y higit pa kaming maudyok na makapagmahal nang walang kapalit upang sa gayo’y mabanaagan namin sa mga mukha ng aming kapwa ang mukha ng Iyong Anak.
Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong Hesus na aming Tagapagligtas,
Amen
Thursday, March 24, 2011
PANANAW AT MISYON NG PAROKYA NG SAN ANTONIO DE PADUA BINAN, LAGUNA
PANANAW NG PAROKYA NG SAN ANTONIO DE PADUA BINAN, LAGUNA
Ang Bayan ng Diyos ng Parokya ng San Antonio de Padua, Binan, Laguna nagkakaisang naglalakbay tungo sa kaganapan ng buhay na may pananampalataya, pag-ibig at gawa upang maging isang kapatiran ng mga tunay na alagad ni Kristo at Iglesya ng mga Maralita.
MISYON NG PAROKYA NG SAN ANTONIO DE PADUA BINAN, LAGUNA
Pinasigla ng mga kaloob ng Espiritu Santo at sa patuloy na panalangin ni Maria, Ina ng Diyos, at ni San Antonio de Padua, kami ay nagtatalaga ng aming sarili sa:
Pagpapatatag ng isang buhay, masigla at nagkakaisang pamayanang Kristiyano, sa pamamagitan ng mga gawain ng pangangaral, paglinang at paghubog ng bawat namumuno at kasapi ng parokya;
Paglikha at pagpapatupad ng mga programa na magpapatibay sa kahalagahan ng pamilyang Kristiyano at pagpapalaganap ng Katekesis;
Pagtugon sa kakulangan ng mga taong higit na nangangailangan sa pamamagitan ng aktibong pakikisangkot sa mga isyung panlipunan tungo sa pag-unlad at pag-angat ng Dangal ng Tao.
Sa pamamagitan nito, magiging pamayanan kami ng mga tunay na alagad ni Kristo bilang Iglesya ng mga Maralita na maka-Diyos, makatao, makabayan at maka-Kalikasan.
Wednesday, March 23, 2011
Ang Pasimhay: Ang Pagbabalik!
Ang muling paglabas ng Ang Pasimhay Journal, ang opisyal na pahayagang pamparokya na pinangunahan at pinangasiwaan ng Parish Youth Ministry (PYM) noon at ngayon ay muling bibigyang buhay at sigla ng Anthonians@Work, ang New Media Ministry ng Parokya kasama ang ilang miyembro ng Ministry of Church Greeters and Collectors (MCGC) na dumaan sa isang selection process at kasalukuyang dumadaan sa ilang news and feature writing workshops and training.
Matapos ang isang taon na paghahanda sa paglabas ng bagong pahayagang pamparokya, ay ilulunsad na nga ito sa darating na April 10, 2011 upang ipakilala ang bagong pangasiwaan nito at upang ipasilip na rin sa publiko ang magiging anyo nito at lalamanin sa paglabas nito sa buwan ng Mayo 2011.
Kasama sa nasabing paghahanda ay ang muling pagbubukas ng blogsite ng parokya, ANG PASIMHAY ONLINE, na mahigit isang taon na hindi nagbigay at naglabas ng mga bagong balita tungkol sa parokya at sa mga grupong naglilingkod dito. Simula ngayon ay magkasabay ng maghahatid ng mga impormasyon at inspirasyon sa parokya ang ANG PASIMHAY JOURNAL at ANG PASIMHAY ONLINE.
Sa linggong ito ay ilulunsad na rin ng Anthonians@Work New Media Ministry ang fan page ng Parokya ng San Antonio sa Facebook at Twitter! Ang Pasimhay Facebook & Twitter Page!
See you then!