Isang napakalaking tagumpay ang naganap na Parish Christmas Party kagabi December 29, 2008 sa parking area ng parokya. Sa nasabing pagtitipon ay muling ipinakita ng halos lahat ng mga samahang pansimbahan ang kani-kanilang mga talento sa larangan ng musika, sayaw at maging sa pag-arte para bigyan kasiyahan ang lahat. Kabilang sa mga naging tampok na palabas ng gabing iyon ay ang pagsasayaw ng mga miyembro ng Lectors & Commentators Ministry (LCM), Mother Butler at LCM mula sa Resurrecion Chapel-Tulay Bato at ang “comedy skit” ng mga kabataang miyembro ng Lingkod ng Dambana. Katulad ng mga nakagawiang pagsasama-sama ay nagkaroon din ng pagsasalo na tinampukan ng mga pagkaing inihanda ng bawat grupo.
Sa espesyal na mensahe mula sa ating Kura Paroko, Rev. Fr. Toochy Ubarco, ay kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng pamilya ng parokya upang higit pang magkaroon ng matibay at matiwasay na pagsasamahan tungo sa isang mas epektibong paglilingkod. Ang lahat ay umuwi ng may kanya-kanyang alaala ng ngiti at galak dulot ng kasiyahang naihatid ng nasabing pagtitipon na higit pa sa mga material na premyong ipinamahagi ng gabing iyon.
No comments:
Post a Comment